1At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi, 2Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake, 3At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo. 4Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan. 5Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal; 6At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay. 7Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan. 8Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan. 9Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan. 10At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan. 11Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan: 12At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid. 13Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 14Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang. 15Nang magkagayo'y nagsialis ang mga Fariseo, at nangagsanggunian sila kung paano kayang mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita. 16At sinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, na kasama ng mga Herodiano, na nagsisipagsabi, Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao. 17Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi? 18Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw? 19Ipakita ninyo sa akin ang salaping pangbuwis. At dinala nila sa kaniya ang isang denario. 20At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat? 21Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios. 22At pagkarinig nila nito ay nagsipanggilalas sila, at siya'y iniwan, at nagsiyaon. 23Nang araw na yaon ay nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabing walang pagkabuhay na maguli: at siya'y kanilang tinanong, 24Na sinasabi, Guro, sinabi ni Moises, Kung mamatay na walang mga anak ang isang lalake, ay magasawa ang kaniyang kapatid na lalake sa asawa niya, at magkakaanak sa kaniyang kapatid na lalake. 25Nagkaroon nga sa amin ng pitong magkakapatid na lalake: at nagasawa ang panganay at namatay, at sapagka't hindi siya nagkaanak ay iniwan niya ang kaniyang asawa sa kaniyang kapatid na lalake; 26Gayon din naman ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo, hanggang sa ikapito. 27At sa kahulihulihan nilang lahat, ay namatay ang babae. 28Sa pagkabuhay ngang maguli sino kaya doon sa pito ang magiging asawa? sapagka't siya'y naging asawa nilang lahat. 29Nguni't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Nangagkakamali kayo, sa hindi pagkaalam ng mga kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Dios. 30Sapagka't sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa, kundi gaya ng mga anghel sa langit. 31Datapuwa't tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Dios, na nagsasabi, 32Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Ang Dios ay hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay. 33At nang marinig ito ng karamihan ay nangagtaka sa kaniyang aral. 34Datapuwa't nang marinig ng mga Fariseo na kaniyang napatahimik ang mga Saduceo, ay nangagkatipon sila. 35At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya'y tuksuhin: 36Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan? 37At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. 38Ito ang dakila at pangunang utos. 39At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 40Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta. 41Habang nangagkakatipon nga ang mga Fariseo, ay tinanong sila ni Jesus ng isang tanong. 42Na sinasabi, Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya? Sinabi nila sa kaniya, kay David. 43Sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y bakit tinatawag siya ni David na Panginoon, sa espiritu, na nagsasabi, 44Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan, Hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa? 45Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y kaniyang anak? 46At wala sinomang nakasagot sa kaniya ng isang salita, ni wala sinomang nangahas buhat sa araw na yaon na tumanong pa sa kaniya ng anomang mga tanong.