1Nang mga araw na yaon, nang magkaroong muli ng maraming tao, at wala silang mangakain, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, 2Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nangatira sa akin, at walang mangakain: 3At kung sila'y pauwiin kong nangagugutom sa kanilang mga tahanan, ay magsisipanglupaypay sila sa daan; at nagsipanggaling sa malayo ang ilan sa kanila. 4At nagsisagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad, Paanong mabubusog ninoman ang mga taong ito ng tinapay dito sa isang ilang na dako? 5At kaniyang tinanong sila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito. 6At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa; at kinuha niya ang pitong tinapay, at pagkapagpasalamat, ay pinagputolputol niya, at ibinigay sa kaniyang mga alagad, upang ihain sa kanila; at inihain nila sa karamihan. 7At mayroon silang ilang maliliit na isda: at nang mapagpala ang mga ito, ay ipinagutos niya na ihain din naman ang mga ito sa kanila. 8At sila'y nagsikain, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno. 9At sila'y may mga apat na libo: at pinayaon niya sila. 10At pagdaka'y lumulan siya sa daong na kasama ang kaniyang mga alagad, at napasa mga sakop ng Dalmanuta. 11At nagsilabas ang mga Fariseo, at nangagpasimulang makipagtalo sa kaniya, na hinahanapan siya ng isang tandang mula sa langit, na tinutukso siya. 12At nagbuntong-hininga siya ng malalim sa kaniyang espiritu, at nagsabi, Bakit humahanap ng tanda ang lahing ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang tandang ibibigay sa lahing ito. 13At sila'y iniwan niya, at muling pagkalulan sa daong ay tumawid sa kabilang ibayo. 14At nangalimutan nilang magsipagdala ng tinapay; at wala sila kundi isang tinapay sa daong. 15At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes. 16At nangagkatuwiranan sila-sila rin, na nangagsasabi, Wala tayong tinapay. 17At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso? 18Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala? 19Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa. 20At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito. 21At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa? 22At nagsidating sila sa Betsaida. At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bulag, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y hipuin. 23At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, at dinala niya sa labas ng nayon; at nang maluraan ang kaniyang mga mata, at maipatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, ay kaniyang tinanong siya, Nakakakita ka baga ng anoman? 24At siya'y tumingala, at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao; sapagka't namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad. 25Saka ipinatong na muli sa kaniyang mga mata ang mga kamay niya; at siya'y tumitig, at gumaling, at nakita niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay. 26At pinauwi niya siya sa kaniyang tahanan, na sinasabi, Huwag kang pumasok kahit sa nayon. 27At pumaroon si Jesus, at ang kaniyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo: at sa daan ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinabi sa kanila, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ako? 28At sinaysay nila sa kaniya, na sinasabi, Si Juan Bautista; at ang mga iba, si Elias; datapuwa't ang mga iba, Isa sa mga propeta. 29At tinanong niya sila, Datapuwa't ano ang sabi ninyo kung sino ako? Sumagot si Pedro at nagsabi sa kaniya, Ikaw ang Cristo. 30At ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang tungkol sa kaniya. 31At siya'y nagpasimulang magturo sa kanila, na ang Anak ng tao ay kinakailangang magbata na maraming mga bagay, at itakuwil ng matatanda, at ng mga pangulong saserdote, at ng mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon. 32At hayag na sinabi niya ang pananalitang ito. At isinama siya ni Pedro, at pinasimulang siya'y pagwikaan. 33Datapuwa't paglingap niya sa palibot, at pagtingin sa kaniyang mga alagad, ay pinagwikaan si Pedro, at sinabi, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas; sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay na ukol sa Dios, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao. 34At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan pati ng kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. 35Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon. 36Sapagka't ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay? 37Sapagka't anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay? 38Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.