1Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan. 2At si Job ay sumagot, at nagsabi, 3Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi. 4Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag. 5Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw. 6Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan. 7Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig. 8Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya. 9Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga: 10Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata. 11Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina? 12Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin? 13Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako: 14Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila; 15O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak: 16O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag. 17Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod. 18Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag. 19Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon. 20Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan; 21Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago; 22Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan? 23Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios? 24Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig. 25Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin. 26Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.