1At sumampa ang anghel ng Panginoon sa Bochim mula sa Gilgal. At kaniyang sinabi, Kayo'y pinaahon ko mula sa Egipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking isinumpa sa inyong mga magulang; at sinabi ko, Kailan ma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo: 2At huwag kayong makikipagtipan sa mga taga lupaing ito; inyong iwawasak ang kanilang mga dambana. Nguni't hindi ninyo dininig ang aking tinig: bakit ginawa ninyo ito? 3Kaya't aking sinabi rin, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging parang mga tinik sa inyong mga tagiliran, at ang kanilang mga dios ay magiging silo sa inyo. 4At nangyari, pagkasalita ng anghel ng Panginoon ng mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, na inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak. 5At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Bochim; at sila'y naghain doon sa Panginoon. 6Nang mapayaon nga ni Josue ang bayan, pumaroon ang mga anak ni Israel, bawa't isa, sa kaniyang mana, upang ariin ang lupa. 7At naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue, na nakakita ng mga dakilang gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel. 8At si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay, na may isang daan at sangpung taon ang gulang. 9At kanilang inilibing siya sa hangganan ng kaniyang mana, sa Timnath-heres, sa lupaing maburol ng Ephraim, sa hilagaan ng bundok Gaas. 10At ang buong lahing yaon ay nalakip din sa kanilang mga magulang; at doo'y may ibang lahing bumangon pagkamatay nila, na hindi nakilala ang Panginoon, ni ang mga gawa na kaniyang ginawa sa Israel. 11At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal: 12At kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at sumunod sa ibang mga dios, sa mga dios ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga yaon: at kanilang minungkahi ang Panginoon sa galit. 13At kanilang pinabayaan ang Panginoon, at naglingkod kay Baal at kay Astaroth. 14At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng mga mangloloob na lumoob sa kanila; at kaniyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, na anopa't sila'y hindi makatayong maluwat sa harap ng kanilang mga kaaway. 15Saan man sila yumaon, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya ng sinalita ng Panginoon, at gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon: sila'y nagipit na mainam. 16At nagbangon ang Panginoon ng mga hukom, na nagligtas sa kanila sa kamay niyaong mga lumoloob sa kanila. 17At gayon ma'y hindi nila dininig ang kanilang mga hukom: sapagka't sila'y sumamba sa ibang mga dios, at kanilang niyukuran ang mga yaon: sila'y nagpakaligaw na madali sa daan na nilakaran ng kanilang mga magulang, na sumunod ng mga utos ng Panginoon; nguni't hindi sila gumawa ng gayon. 18At nang ipagbangon sila ng Panginoon ng mga hukom, ang Panginoon ay suma hukom, at iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom: sapagka't nagsisi ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil doon sa mga pumighati sa kanila at nagpakalupit sa kanila. 19Nguni't nangyari pagkamatay ng hukom, na sila'y tumalikod at lalong sumama kay sa kanilang mga magulang sa pagsunod sa ibang mga dios, upang maglingkod sa kanila, at yumukod sa kanila; sila'y hindi naglikat sa kanilang mga gawa, ni sa kanilang tampalasang lakad. 20At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel; at kaniyang sinabi, Sapagka't sinalangsang ng bansang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga magulang, at hindi dininig ang aking tinig; 21Hindi ko na naman palalayasin pa sa harap nila ang sinoman ng mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay; 22Upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng inilakad ng kanilang mga magulang. 23Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang yaon, na hindi niya pinalayas silang biglaan; ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.