1At ang batang si Samuel ay nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay mahalaga noong mga araw na yaon; walang hayag na pangitain. 2At nangyari nang panahon na yaon, nang si Eli ay mahiga sa kaniyang dako, (ang kaniya ngang mata'y nagpasimulang lumabo, na siya'y hindi nakakita,) 3At ang ilawan ng Dios ay hindi pa namamatay, at si Samuel ay nakahiga upang matulog, sa templo ng Panginoon, na kinaroroonan ng kaban ng Dios; 4Na tinawag ng Panginoon si Samuel: at kaniyang sinabi, Narito ako. 5At siya'y tumakbo kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't tinawag mo ako. At kaniyang sinabi, Hindi ako tumawag; mahiga ka uli. At siya'y yumaon at nahiga. 6At tumawag pa uli ang Panginoon, Samuel. At bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako: sapagka't ako'y tinawag mo. At siya'y sumagot, Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli. 7Hindi pa nga nakikilala ni Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag pa sa kaniya. 8At tinawag uli ng Panginoon na ikaitlo. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't ako'y iyong tinawag. At nahalata ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata. 9Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, Yumaon ka, mahiga ka: at mangyayari, na kung tatawagin ka niya, ay iyong sasabihin, Magsalita ka, Panginoon; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod. Sa gayo'y yumaon si Samuel at nahiga sa kaniyang dako. 10At ang Panginoon ay naparoon, at tumayo, at tumawag na gaya ng una, Samuel, Samuel. Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Magsalita ka; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod. 11At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Narito, gagawa ako ng isang bagay sa Israel, na ang dalawang tainga ng bawa't isa na nakikinig ay magpapanting. 12Sa araw na yaon ay aking tutuparin kay Eli ang lahat na aking sinalita tungkol sa kaniyang sangbahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas. 13Sapagka't aking isinaysay sa kaniya na aking huhukuman ang kaniyang sangbahayan magpakailan man, dahil sa kasamaan na kaniyang nalalaman, sapagka't ang kaniyang mga anak ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili, at hindi niya sinangsala sila. 14At kaya't ako'y sumumpa sa sangbahayan ni Eli, na ang kasamaan ng sangbahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng hain, o handog man magpakailan man. 15At nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay ng Panginoon. At natakot si Samuel na saysayin kay Eli ang panaginip. 16Nang magkagayo'y tinawag ni Eli si Samuel, at nagsabi, Samuel, anak ko. At kaniyang sinabi, Narito ako. 17At kaniyang sinabi, Ano ang bagay na sinalita sa iyo? isinasamo ko sa iyo na huwag mong ilihim sa akin: hatulan ka ng Dios, at lalo na, kung iyong ililihim sa akin ang anomang bagay sa lahat ng mga bagay na kaniyang sinalita sa iyo. 18At isinaysay sa kaniya ni Samuel ang buong sinalita, at hindi naglihim ng anoman sa kaniya. At kaniyang sinabi, Panginoon nga: gawin niya ang inaakala niyang mabuti. 19At si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasakaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita. 20At nakilala ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag na maging propeta ng Panginoon. 21At napakilala uli ang Panginoon sa Silo, sapagka't ang Panginoo'y napakilala kay Samuel sa Silo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.