1Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit. 2Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube. 3Sinabi nila: Mabuhay ang hari ng mga Judio at pinagsasampal nila siya. 4Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Tingnan ninyo, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong matagpuang anumang maisakdal sa kaniya. 5Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang tao. 6Nang makita nga siya ng mga punong pari at mga tauhan, sila ay sumigaw. Sila ay sumigaw ng: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus. Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Wala akong matagpuang maisakdal sa kaniya. 7Sinagot siya ng mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na anak ng Diyos. 8Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot. 9Siya ay muling nagpunta sa bulwagang hukuman at sinabi kay Jesus: Taga-saan ka ba? Hindi siya sinagot ni Jesus. 10Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba makikipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapangyarihang ipapako ka sa krus at kapangyarihang palayain ka? 11Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Ang nagsuko sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan. 12Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabing: Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya ay nagsasalita laban kay Cesar. 13Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay inakay niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa upuan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo ito ay Gabata. 14Noon ay paghahanda ng Paglagpas, mag-iikaanim na ang oras. Sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari. 15Sila ay sumigaw: Alisin siya, Alisin siya! Ipako siya sa krus! Tanong ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? Ang mga punong pari ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar. 16Kaya nga isinuko niya siya sa kanila upang ipako sa krus. Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo. 17Siya ay lumabas na pasan ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na pook ng bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha. 18Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus. 19Si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: Si Jesus na taga-Nazareth, Ang Hari ng mga Judio. 20Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay dahil ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod. Ang pamagat ay isinulat sa Hebreo, sa Griyego, at sa Latin. 21Sinabi nga ng mga punong pari ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio, kundi, sinabi niya, Ako ay Hari ng mga Judio. 22Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na. 23Nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at gayon din ang kaniyang balabal. Ang tunika ay walang tahi, hinabing buo mula sa itaas pababa. 24Sinabi nga nila sa isa`t isa sa kanila: Huwag natin itong punitin. Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito. Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at nagpalabunutan para sa aking damit. Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito. 25Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala. 26Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na nakatayo sa malapit. Nang makita niya sila. Sinabi niya sa kaniyang ina: Ginang, tingnan mo ang iyong anak. 27Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Tingnan mo ang iyong ina. Mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan. 28Pagkatapos nito, si Jesus na nakaaalam na ang lahat ng mga bagay ay naganap na ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan. 29Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng suka. Binasa nilang mabuti ng suka ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng hisopo at idiniit sa kaniyang bibig. 30Nang matanggap na nga ni Jesus ang suka, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ng kaniyang ulo at isinuko niya ang kaniyang espiritu. 31Noon ay araw ng Paghahanda. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa krus sa araw ng sabat. Ang sabat na iyon ay dakila. Ang mga Judio nga ay humiling kay Pilato. Kanilang hiniling na mabali ang mga binti ng mga nasa krus upang sila ay maialis. 32Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako. 33Pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na. Hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34Isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig ay biglang lumabas. 35Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya. 36Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan: Isa mang buto niya ay hindi mababali. 37Sinasabi sa isa pang kasulatan: Titingnan nila siya na kanilang tinusok. 38Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus. 39Nagpunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus, nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang libra ang timbang. 40Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng kayong lino kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paglilibing ng mga Judio. 41Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan. 42Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.